-- ADVERTISEMENT --

Patay at naligo sa sarili niyang dugo ang isang 34-anyos na construction worker matapos pagtatagain ng sariling kapatid, habang nasugatan din ang kinakasama nito at ang kanilang 11-buwang gulang na anak sa brutal na insidente na naganap sa Purok 1-B, Baring, Barangay Wangan, Calinan District, Davao City, pasado alas-3:00 ng madaling araw noong Hulyo 20, 2025.

Kinilala ang biktima na si John Padian, 34 taong gulang, na halos hindi na makilala dahil sa mga tinamong taga na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Samantala, nasugatan din ang kanyang kinakasama na si Ana at ang kanilang munting anak.

-- ADVERTISEMENT --

Ang suspek ay kinilalang si June Anthony Padian, 39 taong gulang, kapatid ng biktima at isang laborer.

Batay sa imbestigasyon, nag-inuman pa ang magkapatid hanggang alas-10 ng gabi noong Hulyo 19.

Ngunit pagsapit ng madaling araw, nagalit si June at pinaghinalaan na may relasyon ang kanyang asawa at si John.

Dahil sa selos, pinagalitan niya ang kanyang asawa, na agad tumakas kasama ang kanilang mga anak at humingi ng tulong sa pinakamalapit na plantasyon.

Pagkaalis ng kanyang asawa, dumiretso si June sa bahay ng kanyang kapatid na si John habang may dalang patalim.

Pilit niyang pinasok ang bahay at agad silang nagkagulo. Tinangka ni John na protektahan ang kanyang pamilya ngunit siya’y walang awang pinagtataga ng sarili niyang kapatid. Nasugatan din si Ana at ang kanilang 11-buwang anak.

Namatay si John sa labas ng bahay, habang si Ana ay agad dinala sa Southern Philippines Medical Center (SPMC).

Nakaligtas naman ang kanilang anak at kasalukuyang nasa maayos nang kalagayan matapos dalhin sa malapit na pagamutan.

Naaresto agad ng pulisya ang suspek at isinuko nito ang patalim na ginamit sa krimen.

Ayon sa suspek, nagawa niya ang karumal-dumal na krimen dahil sa selos at hinalang may relasyon ang kanyang asawa at kapatid.

Kasalukuyang inihahanda na ang mga kasong isasampa laban kay June gaya ng murder at frustrated murder dahil sa naturang brutal na insidente. Nakatakda rin siyang kasuhan ng kanyang asawa.

Nagpaalala si Police Major Robel Batapa Saavedra, Station Commander ng PS10 Calinan, na huwag sobrahan ang pag-inom at ilagay sa tiyan ang alak hindi sa ulo o mas mainam, “drink moderately,” upang maiwasan ang gulo.