Nasawi ang dalawang kabataang lalaki matapos pagsasaksakin sa loob ng isang internet café sa Purok 3, Feeder Road 1, Barangay Tibal-og, Santo Tomas, Davao del Norte.
Kinilala ang mga biktima na sina alyas “Sam,” isang menor de edad, at alyas “Ninio,” 22-anyos, kapwa residente ng Purok 1, Menzi, Barangay Tibal-og sa nasabing bayan.
Samantala, kinilala rin ang suspek na si alyas “Tawe,” 25-anyos, residente ng Purok 2, Barangay New Katipunan sa parehong bayan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naganap ang pananaksak pasado alas-dos ng madaling-araw noong Hulyo 14 sa loob ng internet café, matapos ang biglaang kaguluhan nang pumasok ang suspek na si alyas Tawe na may dalang mga fire extinguisher.
Pinukpok niya ang dalawang biktima at agad silang pinagsasaksak gamit ang isang star screw.
Nagtamo ng mga saksak ang mga biktima na naging sanhi ng kanilang pagkamatay kahit pa mabilis silang isinugod sa ospital.
Napag-alaman na si Ninio ay nagtamo ng sugat sa ulo at iba’t ibang bahagi ng kanyang likod, habang si alyas “Sam” ay may mga sugat din sa ulo at katawan na siyang ikinasawi niya.
Sa crime scene, narekober ang tatlong fire extinguisher.
Sa karagdagang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na lasing sa alak ang suspek noong oras ng insidente at pinagdudahan na sabog sa ilegal na droga dahil sa kanyang mga kilos.
Sa ngayon, nakakulong na ang suspek at sasampahan ng kaukulang kaso.