Idineklarang patay pagdating sa pagamutan ang 39-anyos na si Klent Brua, residente ng Brgy. Cabinuangan, New Bataan, Davao de Oro, matapos matagpuang wala nang malay pasado alas-3:30 ng hapon noong Agosto 1.
Lumahok si Brua sa isang trail run event sa Purok 7, Barangay San Jose, Santo Tomas, Davao del Norte, na nagsimula alas-4:00 ng madaling araw sa Bukindao, Purok Narra, Brgy. New Visayas.
Pagsapit ng alas-12:30 ng tanghali, napansin ng isang kalahok na hindi pa bumabalik, dahilan upang agad na nagsagawa ng rescue operation ang mga awtoridad.
Mabilis namang natagpuan si Brua at isinugod sa Santo Tomas Medical Health Center, subalit idineklarang dead on arrival.
Batay sa medical findings, posible siyang nasawi dahil sa Traumatic Brain Injury (TBI), internal hemorrhage, at cerebrovascular accident na hinihinalang dulot ng heat stroke.
Pinaniniwalaang inatake siya ng init ng katawan habang inaakyat ang matarik na bahagi ng trail kaya siya nahulog sa bangin.
Si Klent Brua ay kinilalang asawa ni New Bataan Mayor Bianca Cualing-Brua.
Samantala, nasawi din ang isang konsehal ng bayan na si Eric Joseph Taping, 35-anyos, sa bayan ng Montevista, Davao de Oro.
Ayon sa CDRRMO Santo Tomas, naisugod pa sa ospital ang nasabing konsehal matapos siyang makaranas ng “seizure” habang nasa kalagitnaan ng trail, ngunit binawian pa rin ng buhay makalipas ang ilang oras.
Nakikiramay naman ang buong bayan sa nangyari sa dalawang partisipante sa nasabing aktibidad.
Napag-alaman na iilang araw na ang nakalipas nakaranas ng matinding init ang nasamping bayan, mga karatig na lugar at maging sa buong rehiyon.