Nagpahayag ng pagdadalamhati ang Davao del Sur Police Provincial Office sa biglaan at maagang pagpanaw ni Patrolwoman Kay Remando Dumasig, 28 taong gulang, na inilalarawan bilang isang dedikado at mapagkakatiwalaang miyembro ng Matanao Municipal Police Station.
Matatandaang nasawi si Patrolwoman Dumasig dahil umano sa isang insidente ng accidental firing bandang alas-6:50 ng gabi noong Hulyo 11, 2025, sa loob mismo ng Female Quarters ng Matanao MPS, Purok Tahimik, Barangay Poblacion, Matanao, Davao del Sur.
Batay sa paunang imbestigasyon, inihahanda umano ni Pat. Dumasig ang kanyang 9mm Girsan pistol na may Serial No. T6368-22CK03370 na itinalaga sa kanya bilang service firearm, bilang paghahanda sa isang posibleng buy-bust operation.
Habang nilalagyan niya ito ng bala, aksidenteng nahulog ang baril at nang sinubukan niya itong saluhin, hindi sinasadyang nadiin ang gatilyo, dahilan upang pumutok ito at tamaan siya sa ulo.
Agad siyang dinala sa MCDC Hospital sa lungsod ng Digos para sa agarang atensyong medikal, ngunit idineklara pa rin siyang patay sa kabila ng pagsusumikap ng mga doktor at medical team.
Sa isinagawang pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng insidente, narekober ang baril sa tabi ng biktima at kasalukuyang nasa kustodiya bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon.
Nagpaabot din ng pakikiramay si Police Colonel Leo T. Ajero, Provincial Director ng DSPPO, sa pamilya ni Pat. Dumasig.
Ayon sa kanya, si Patrolwoman Dumasig ay naglingkod nang may tunay na dedikasyon at sigasig.
Ang kanyang pagpanaw ay isang masakit na paalala ng mga panganib na kinakaharap ng mga alagad ng batas, kahit pa sa mga panahong sila ay naghahanda lamang.
Ipinaabot din ng pamunuan ng kapulisan ang kanilang taos-pusong pakikiramay at panalangin para sa pamilya at mga mahal sa buhay ni Pat. Dumasig sa panahong ito ng dalamhati.
Tiniyak rin ng pamunuan ang pagsunod sa tamang proseso at imbestigasyon kaugnay ng insidente.
Hinimok rin ng opisyal ang lahat na kilalanin at bigyang-pugay ang serbisyo ni Pat. Dumasig, at alalahanin siya nang may mataas na paggalang na tunay niyang nararapat.