Natagpuang patay ang isang 26-anyos na babae na kinilalang si Seannen Gellangarin, isang online seller at residente ng Pag-asa, Seminary Drive, Magugpo West, Tagum City, matapos siyang barilin sa loob ng kaniyang apartment sa isang boarding house sa Purok 28-A, Kawayanan, Brgy. Madaum, Tagum City kanilang madaling araw ng Hulyo 16, 2025.
Agad siyang isinugod sa ospital, subalit hindi na siya na-revive dahil sa dalawang tama ng bala sa katawan.
Ayon sa imbestigasyon ng Tagum City Police, narinig umano ang pagtatalo ng biktima at ng isang lalaki na hinihinalang suspek, na umano’y nagselos at nagpumilit na pumasok sa kwarto ni Gellangarin.
Ayon sa isang residente, nagkaroon ng mainit na pagtatalo at nagbanta pa umano ang lalaki na papatayin ang biktima.
Kwento ng saksi, sinipa ng suspek ang pinto at agad pinaputukan ang biktima pagkapasok sa loob.
Ang labi ni Gellangarin ay dinala na sa Rubio Memorial Services.
Samantala sa isang follow-up operation, nahuli ng pulisya ang suspek kaninang tanghali habang naka-check-in sa Millenium Suites, Purok Dugso, Brgy. San Pedro, Panabo City, Davao del Norte.
Nakilala ang suspek kinilala na si Jojit Masungab Gloria, 49 taong gulang, at residente ng Magugpo West, Tagum City.
Narekober mula sa kanya ang isang .45 caliber na baril na walang serial number at kargado ng mga bala, pati na rin 3 sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 60 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P360,000.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya si Gloria at nahaharap sa mga kasong murder, illegal possession of firearms, at illegal possession of dangerous drugs habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang alamin ang motibo ng pamamaril.