-- ADVERTISEMENT --

Isinasagawa sa kasalukuyan ang search and rescue operation ngayong araw sa Davao Gulf matapos maiulat ang pagkawala ng isang recreational vessel na may sakay na 15 pasahero at crew members, na pinaniniwalaang lumubog kahapon ng hapon sa bahagi ng karagatan ng Davao Occidental.

Nauna nang naglabas ng Notice to Mariners ang Philippine Coast Guard sa Davao Region kahapon, na nananawagan sa lahat ng mga mandaragat at naglalayag sa dagat na manatiling alerto sakaling may mamataang bangka sa nasabing bahagi ng karagatan.

Batay sa inilabas na abiso ng nasabing ahensya, ang nawawalang motor banca ay huling namataang naglalayag sa karagatan ng Davao Occidental bandang alas-3 ng hapon sa bisinidad ng Sarangani, Davao Occidental.

Nabatid na nagmula sa Lungsod ng Davao ang motor banca na pinangalanang Amejara, na umalis sa Sta. Ana Wharf noong Enero 17 at inaasahang darating sana sa munisipalidad ng Governor Generoso, Davao Oriental noong Enero 19, 2026.

Sa kasalukuyan, inaalerto na ang lahat ng bumibiyahe sa dagat, lalo na sa mga lugar ng Malita, Sta. Maria, at Don Marcelino, kabilang ang Balut Island, Sarangani Island, Jose Abad Santos, North Jose Abad Santos, at karagatan ng Governor Generoso, Davao Oriental, na maging mapagmatyag sa kanilang paligid.

-- ADVERTISEMENT --

Kung may mamataang bangkang lumubog, palutang-lutang, o may palatandaan ng aksidente sa dagat, hinihiling na agad makipag-ugnayan sa pinakamalapit na munisipalidad / MDRRMO / Coast Guard Station Davao Occidental sa numerong 0975-518-9735.