Isang video na nagpapakita ng matinding kaguluhan sa loob ng isang malaking tindahan sa Panabo City, Davao del Norte ang kumalat sa social media at umani ng atensyon mula sa maraming netizen.
Ang naturang footage, na in-upload ng netizen na si Hoar Knee, ay nagpapakita ng eksena ng kaguluhan kung saan nagbatuhan ng mga bote at upuan ang mga kabataang sangkot.
Sa video, kapansin-pansin ang galit at ingay na naghari sa loob ng tindahan.
Kabilang sa insidente ang isang babae na naging biktima matapos biglaang pukpukin ng bangko ng isa sa mga kalalakihang umano’y nakaalitan nila.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng reklamo ang Panabo City Police Station (CPS) mula mismo sa pamunuan ng tindahan kaugnay sa mga nasirang ari-arian.
Inihayag din na hindi lamang ari-arian ang napinsala kundi nalagay rin sa panganib ang kaligtasan ng ibang mga customer noong mga oras ng kaguluhan.
Kinumpirma ng pulisya na kanilang ipinatawag at iniimbestigahan na ang mga kabataang tinukoy na sangkot sa insidente, at maaari silang kaharapin ng kasong kriminal at obligasyong bayaran ang mga pinsalang nagawa nila.
Hinimok rin ng pulisya ang publiko, lalo na ang mga kabataan, na maging mahinahon at marunong magpigil sa sarili, lalo na kung may halong alak, at iwasan ang anumang kilos na maaaring makaperwisyo sa publiko o makasira ng ari-arian ng iba.