Pumanaw na ang isang lalaki matapos pukpukin ng martilyo ng kanyang kainuman sa nagdaang madaling araw sa Brgy. Catalunan Grande sa lungsod ng Davao.
Ayon sa ulat mula sa mga awtoridad, hindi na kinaya ng biktima ang tinamong sugat sa ulo sanhi ng pagmamartilyo.
Matatandaang agad na isinugod sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) ang biktima matapos itong pukpukin ng martilyo sa ulo sa loob ng isang construction site sa Mountain View, Barangay Catalunan Grande, sa lungsod ng Davao, pasado alas-12:00 ng madaling araw.
Batay sa ulat ng Davao City Police Office (DCPO), kritikal ang lagay ng biktima na kinilalang si alyas “Norlito”, 29 taong gulang, isang construction worker at residente ng Purok 8, Brgy. Candalian, Baguio District ng nasabing lungsod.
Samantala, kinilala naman ang suspek na si alyas “Nistor”, 35 taong gulang, residente ng Macatabo, Calinan, sa lungsod ng Davao.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman umano ng alak ang dalawa sa loob ng construction site na nauwi sa pagtatalo at suntukan.
Ngunit bigla na lamang umanong kumuha ng martilyo si “Nistor” at pinukpok sa ulo ang biktima, dahilan upang magtamo ito ng sugat at labis na pagdurugo hanggang sa mawalan ng malay.
Agad namang naaresto ang suspek at kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya, at nahaharap na ngayon sa kasong murder.