Patay na natagpuan ang isang babaeng estudyante sa loob ng kanilang silid sa Purok 3-A, La Filipina, Tagum City, Davao del Norte kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Sophia Marie G. Coquilla, 19 taong gulang, at kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo sa UP Manila.
Batay sa paunang imbestigasyon, nadatnan na lamang ng kanyang mga magulang ang katawan ng biktima na wala nang buhay at naliligo na sa sarili nitong dugo.
Ayon sa pulisya, pinasok ng mga suspek ang silid ng biktima at pinatay ito gamit ang kutsilyo at iba pang matitigas na bagay na narekober sa crime scene.
Lumabas din sa pagsusuri ng mga awtoridad na nagtamo ang biktima ng 38 na saksak at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siyang dahilan ng kanyang pagkamatay.
Nawawala rin ang ilang personal na gamit ng biktima gaya ng cellphone, laptop, relo, at iba pa mula sa loob ng kanyang silid.
Samantala, nahuli naman ang dalawa sa apat na suspek matapos ang isinagawang hot pursuit operation.
Ayon sa Tagum PNP, may impormasyong natanggap ang mga awtoridad hinggil sa pagkakakilanlan ng mga suspek, matapos makuha sa CCTV footage ang ilang bahagi ng insidente.
Narekober na rin ang mga ninakaw na gamit ng biktima na natagpuan sa boarding house ng mga suspek.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ang mga menor de edad na suspek.
Ayon sa pulisya, pagnanakaw na may kasamang pagpatay (robbery with homicide) ang itinuturong motibo sa krimen.
Napag-alamang pamangkin ng kasalukuyang konsehal ng Tagum City na si Engr. Jun Coquilla ang biktima.