Umabot sa mahigit P600,000 ang halaga ng mga nakumpiskang ipinuslit na sigarilyo sa isinagawang checkpoint operation ng mga awtoridad sa isang Ginang matapos magtangkang manuhol sa mga otoridad.
Batay sa ulat mula sa Task Force Davao, nakilala ang naaresto na si alyas “Nuderna,” 50 taong gulang at residente ng Lebak, Sultan Kudarat.
Ayon sa mga awtoridad, nagsasagawa sila ng checkpoint sa Brgy. Sirawan, Toril District ng lungsod pasado alas-diyes ng gabi nang bigla na lamang mag-abot ng P5,000 ang suspek na walang anumang paliwanag, dahilan upang agad siyang harangin.
Sa kanilang inspeksyon sa loob ng sasakyan, natuklasan ng mga awtoridad ang mga ream ng ipinuslit na sigarilyo.
Nabatid na umabot sa 852 ream ng sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad na tinatayang nagkakahalaga ng P670,000.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya sa Toril ang suspek at sasampahan ito ng kasong paglabag sa Republic Act 4712.