-- ADVERTISEMENT --

Kinulong ang isang dalaga matapos mangholdap ng isang taxi driver kagabi sa lungsod ng Davao.

Ayon sa ulat mula sa pulisya, kinilala ang suspek sa alyas na “Jaysa,” 19 taong gulang, at residente ng Sto. Niño, Brgy. Marapangi, Toril, Davao City.

Samantala, ang biktima ay isang 45-anyos na taxi driver na residente ng Bucana, Brgy. 76-A sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon, sumakay umano ang suspek mula sa Toril terminal at nagpahatid patungong Southern Philippines Medical Center (SPMC).

-- ADVERTISEMENT --

Ngunit pagdating sa San Gabriel St., Dumanlas, Brgy. Buhangin, bigla nitong dineklara ang hold-up gamit ang patalim na itinutok sa tagiliran ng drayber.

Gayunman, mabilis na nakapanglaban ang biktima at agad na naawat ang balak ng suspek nang maagapan ng drayber ang kamay ng dalaga.

Dahil dito, agad humingi ng tulong ang drayber sa mga taong nasa paligid sa oras ng insidente.

Sa pagrespone ng mga otoridad, narekober ang ginamit na kutsilyo ng suspek.

Sa panayam ng Bombo Radyo patrol sa dalaga, inamin nitong nagawa niya lamang ang krimen dahil sa matinding kahirapan.

Napag-alaman ding kakagraduate pa lamang ng suspek sa senior high school.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Buhangin PNP ang dalaga at inaasahang sasampahan ng kaukulang kaso ngayong araw.