Pumalo na sa 26 katao ang nasawi sa tumamang malakas na lindol sa probinsiya ng Cebu nitong gabi ng Martes, Setyembre 30, base sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Nasa 147 indibidwal din ang naitala ng nasugatan.
Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) deputy spokesperson Diego Mariano, patuloy ang kanilang isinasagawang assessment sa sitwasyon sa mga lugar na tinamaan ng lindol. Nakakatanggap din sila ng mga ulat ng mga nasawi mula sa iba’t ibang sources subalit kailangan pa nila itong iberipika.
Matatandaan, tumama ang magnitude 6.9 na lindol dakong alas-9:59 kagabi, kung saan ang episentro ng lindol ay nasa 17 kilometers hilagang-silangan ng Bogo City.
May lalim itong 10 kilometro at tectonic ang pinagmulan.
Naitala ang pinakamataas na Intensity IV sa Cebu City at sa Villaba, Leyte.
Nagdulot din ito ng pinsala sa walong imprastruktura kabilang ang natibag na Archdiocesan Shrine ng Santa Rosa De Lima, na isang cultural heritage sa Daanbantayan.
Mga mga kalsada ding nagtala ng bitak at may walong lugar ang nawalan ng suplay ng kuryente. Naapektuhan din ang communication lines sa tatlong lugar sa Daanbantayan, Bogo at San Remigio.