-- ADVERTISEMENT --

Idineklarang dead on arrival ng mga doktor sa Southern Philippines Medical Center ang isang drayber na biktima ng pananaksak kahapon ng umaga.

Batay sa ulat mula sa San Pedro Police Station, kinilala ang biktima na si Ariel Abellana, nasa wastong gulang at residente ng Brgy. 34-D, Poblacion, lungsod ng Davao.

Samantala, kinilala naman ng mga awtoridad ang suspek na si Michael Poliquit, 39 taong gulang, may asawa, isang barangay tanod at residente rin ng nasabing lugar.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente pasado alas-8:00 ng umaga kahapon.

-- ADVERTISEMENT --

Nakaupo lamang umano ang biktima kasama ang kanyang kapatid na si Lorna sa labas ng kanilang bahay nang bigla na lamang dumating ang suspek na armado ng itak at agad na pinagsasaksak si Abellana.

Nagkagulo sa lugar at kahit nasugatan ay nagawa pa umanong makaganti ng biktima sa pamamagitan ng pananaksak sa suspek.

Agad na isinugod sa SPMC ang biktima at ang suspek, ngunit hindi na naisalba pa ang buhay ni Abellana.

Patuloy namang ginagamot ng mga doktor ang suspek.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo ng krimen, at inihahanda na rin ang kasong isasampa laban sa suspek.

Inaasikaso na rin ng pamilya ang mga labi ng biktima.