-- ADVERTISEMENT --

Hawak na ngayon ng mga awtoridad sa Tagum City Police ang ikatlong suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa isang dalaga sa lungsod ng Tagum.

Kinumpirma ng pulisya ng nasabing lungsod na nadakip na nila kaninang umaga ang ikatlong suspek na sangkot sa krimen.

Ayon sa ulat ng mga otoridad, nakilala ang suspek sa alyas na “YanYan”, isang 15-anyos na residente ng Davao de Oro.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga na siya ng Women and Children Protection Desk (WCPD).

Matatandaang una nang nahuli ng mga pulis kahapon ang dalawang menor de edad na suspek na may edad 14 at 17, pawang mga residente ng Maragusan, Davao de Oro.

Una na ring inihayag ng pulisya na apat ang sangkot sa krimen batay sa nakuhang CCTV footage matapos ang insidente.

Sa ngayon, isa na lamang ang tinutugis na suspek, isang 18-anyos na nakilala sa alyas na “Roy”.

Ayon sa pulisya, siya umano ang nanguna sa ginawang pagnanakaw at pagpatay sa 19-anyos na biktima na si Sophia Marie Coquilla, isang college student.

Matatandaang natagpuang wala nang buhay si Sophia ng kanyang mga magulang sa loob ng kanilang silid sa Purok 3-A, Barangay La Filipina, Tagum City.

Batay sa imbestigasyon, nagtamo ng 38 na saksak ang biktima na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Una na ring iniulat ng mga awtoridad na ang motibo ng krimen ay robbery with homicide matapos mapansing nawawala ang ilang kagamitan ng biktima gaya ng cellphone, laptop, at relo.

Gayunpaman, narekober na kahapon ang mga naturang gamit mula sa dalawang menor de edad na suspek.

Sa ngayon, nakaburol na ang labi ng biktima habang patuloy ang imbestigasyon at pagtugis sa isa pang suspek.