Nakakulong na ngayon ang isang habal-habal driver matapos umanong pagsaksakin ang isang taxi driver sa gitna ng pagtatalo na naganap sa Matina Crossing, Davao City noong gabi ng Linggo, Hulyo 6.
Batay sa imbestigasyon ng Talomo Police Station 3, nagsimula ang alitan malapit sa isang convenience store sa Matina Aplaya.
Ayon sa ulat, nagalit umano ang suspek matapos siyang insultuhin ng taxi driver dahil sa pagdaan niya sa bike lane.
Tinawag umano siya ng biktima ng “b*bo” at iba pang masasamang salita, na naging dahilan ng kanyang galit.
Pagdating nila sa Matina Crossing, bigla raw binuksan ng habal-habal driver ang pinto ng taxi, hinila palabas ang driver, at sinaksak gamit ang kalahating bahagi ng gunting.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Rondo,” 22 taong gulang, isang taxi driver at residente ng Barangay Bago Oshiro, Mintal, Davao City.
Nagtamo siya ng saksak sa tiyan ngunit nanatiling malay, alerto, at tumutugon nang isugod sa ospital.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis na humantong sa pagkakadakip ng suspek na kinilalang si Rante Delmar, 42 taong gulang, isang habal-habal driver at nakatira sa Purok 2, Mohon, Barangay Langub.
Narekober ng mga awtoridad ang black-red na Honda XRM na motorsiklong ginamit ng suspek at ang kalahating gunting na naiwan sa pinangyarihan ng krimen.
Inihahanda na ang kasong frustrated homicide laban sa suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Talomo Police Station 3.