DAVAO CITY – Nadesisyonan ng Provincial Government ng Davao Occidental na i-blacklist ang Pionaire Finance Limited, isang Hong Kong-based company na nag-operate sa nasabing probinsiya dahil sa panloloko umano nito.
Ayon pa kay Atty. Cesar Europa, legal counsel ni Davao Occidental Governor Claude Bautista nakapagdesisyon sila na i-terminate ang Memorandum of Understanding (MOU) para sa $24-billion industrial park project sa probinsiya matapos malaman na humingi ang nasabing firm ng $4,000 hanggang $5,000 bilang accreditation sa kanilang contractors.
Ngunit una ng sinabi ni Pionaire Finance Limited executive assistant Maydeeh Libago na nakansela ang kanilang proyekto sa nasabing probinsiya dahil umano na sa land issues.
Dagdag pa ni Libago na ang inalok sa kanila na lupa kung saan itatayo ang $24 billion industrial park project ay hindi umano handa para sa development at ayaw rin umano ng kompanya na malugi lalo na’t may timeline sila na sinusunod.
Nilinaw naman ni Atty. Europa, na sumusunod lamang sila sa legal process para sana sa land conversion sa 2,000-hectare area.
Dahil dito, lumipat na lamang ang Hongkong based company sa Barangay Maputi, Banaybanay, Davao Oriental kung saan plano nilang ipagpatuloy ang pagtatayo ng nasabing proyekto.