-- ADVERTISEMENT --

DAVAO CITY – Nanawagan ngayon ang National Democratic Front of the Philippines ng pag-release sa kanilang peace consultant na hinuli ng militar sa checkpoint sa Toril nitong lungsod.

Ayon pa kay NDFP peace panel chairperson Fidel Agcaoili na ang paghuli kay Ariel Arbitrario at sa kasamahan nito ay isang paglabag sa usaping pangkapayapaan.

Magugunitang sinita si Arbitrario sa checkpoint ng Task Force Davao kahapon saka ito inaresto.

Una ng sinabi ni Army commander Brig. General Gilbert Gapay ng Task Force Haribon, na ang kasama ni Arbitrario na si Roderick Mamuyac ay may standing warrant dahil sa kasong murder.

Ngunit umalma ang NDFP sa paghuli kay Arbitrario na una ng pinalabas sa kulungan noong buwan ng Agosto sa nakaraang taon matapos nakapaghain ito ng piyansa.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag ni Agcaoili, nakadalo rin ang peace consultant sa isinagawang formal talks sa Oslo, Norway noong Agosto 22.

Sinabi rin ni Anak Pawis-represesntative Ariel Casilao, nakakaalarma ang paghuli kay Arbitrario lalo na’t isinailalim ito sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at hindi umano maaaring hulihin lalo na’t kung ginagawa nito ang kanyang trabaho at responsibilidad sa peace negotiations.