Natabunan din ang isang bahay matapos ang landslide sa Purok 5, Patin-ay, Rizal, Monkayo, Davao de Oro bandang alas-11 kagabi dahil sa malakas na pag-ulan.
Ayon sa ulat ng MDRRMO Monkayo, isang miyembro ng pamilya ang natabunan sa landslide nang tumama ang malakas na ulan. Sinabi rin na natutulog ang mag-ama sa loob ng kanilang kwarto nang mangyari ang insidente.
Agad namang isinagawa ang search and rescue operation sa lugar. Bandang ala-Una ng madaling araw, nahukay ang mga biktima na kinabibilangan ng dalawang magkakapatid. Samantala, sa umaga, nakarekober din ang isa pang patay na katawan.
Nagpahayag naman ng lubos na pakikiramay ang LGU Monkayo at nangakong patuloy na tutulong sa apektadong pamilya.
Batay sa inilabas na impormasyon ng LGU, kinilala ang mga biktima na sina: Kuiper Klent M. Remedio, 7 anyos, Reyjun A. Remedio Sr., 31 anyos, at Reyjun M. Remedio Jr., 20 anyos.
Matatandaan na mula pa noong nakaraang araw, nakaranas na ng matinding pag-ulan ang lugar dahil sa Shearline, na nagdulot din ng malawakang pagbaha.











