Patay ang isang miyembro ng pamilya matapos ang nangyaring landslide sa Upper Salazar, Brgy. Central, Lungsod ng Mati, Davao Oriental nitong umaga.
Kinumpirma ito ni Ednar Dayanghirang, Direktor ng Office of Civil Defense 11, na nasawi ang biktima dahil sa landslide na dulot ng magdamag na pag-ulan sa lungsod.
Ayon sa ulat ng mga awtoridad, tatlo pang miyembro ng pamilya ang narekober habang isinasagawa ang search and rescue operations sa lugar kung saan naganap ang pagguho ng lupa. Nabatid na naganap ang insidente bandang alas-7 ng umaga at agad na rumesponde ang mga rescuers.
Sa kasalukuyan, dinadala na ang mga nasugatan sa isang ospital sa nasabing lungsod. Patuloy din na tinutukoy ang mga pangalan ng mga biktima.
Naghatid naman ng pangamba sa mga residente ang landslide dahil patuloy ang pag-ulan sa lugar.
Nabatid din na mula pa noong nakaraang araw, nakaranas na ng mga pag-ulan ang lungsod at ilang bahagi ng rehiyon dahil sa Shearline, na nagdulot din ng mga pagbaha sa ilang lugar.











